Halos isang linggo ring ipinatupad ang news blackout sa isyu ni dela Cruz at kinansela ang news briefing. Tikom din ang Palasyo sa mga banat at batikos ng mga kaalyadong bansa.
Pero umalma ang Malacañang Press Corps kamakalawa dahil pati mga mahahalagang isyu ay hindi na matalakay.
Kaya kahapon ay humarap na uli sa media si Bunye pero bago nagsimula ang briefing ay nilinaw nito na nananatili pa rin ang news blackout sa isyu ni dela Cruz at klinaro rin na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang ahensiyang nangangasiwa ng impormasyon tungkol kay dela Cruz.
Sinabi ni Bunye na kailangang unawain ng media ang posisyon ng gobyerno para sa ligtas na paglaya ni Angelo.
Una nang nasermunan sina special envoy to Middle East Roy Cimatu at PNP chief Gen. Hermogenes Ebdane dahil nagsalita ang mga ito tungkol sa krisis.
Bagamat hindi nakakasama ang mga binitawang salita ng mga ito ay hindi pa rin anya sila dapat nagsalita. (Ulat ni Lilia Tolentino)