Ayon kay Dr. Agnes Vinegas ng National Epidemiology Center (NEC) ng DOH na hindi dapat mag-panic ang mamamayan tungkol sa napaulat na sakit dahilan sa hindi ito katulad o mas deadly pa sa sakit na Severe Acute Respiratory Syndrome o SARS.
Iginiit ni Dr. Villages na ang sakit na ikinamatay ni Prince Charles Liboon ng Brgy. Kamuning East, Batangas City na "meningococcemia" ay isang bacteria at hindi virus tulad ng SARS.
Galing umano ito sa carrier ng bacteria na asymtomatic nasopharex na nagmula sa ilong hanggang sa lalamunan at kapag hindi naagapan ay mabilis na manghihina ang taong kinapitan nito hanggang sa dumami ang organismo na nagiging sanhi ng kamatayan ng taong nagtataglay nito.
Hindi rin umano tulad ng SARS na airborne disease, ang "meningococcemia" ay nakakahawa sa pamamagitan ng droplets o direct contact mula sa taong nagtataglay nito.
Gayundin mayroong antibiotics o gamot sa naturang sakit at mayroon na ring bakuna para dito subalit sa ibang bansa pa ito makukuha.
Madali rin umanong na-detect ang naturang sakit sa pamamagitan ng dugo at cellebros fluid, bukod pa sa mga palatandaan nito na lagnat, sakit ng ulo, pagsusuka, rashes at mga pasa sa katawan.
Dalawa hanggang 10 araw na pagpapagaling ang kinakailangan ng taong nagtatalay nito, subalit kung hindi maaagapan ay nagiging sanhi ng kamatayan tulad ng nangyari kay Liboon.
Nilinaw naman ni Dr. Vinegas na Standard Operating Procedure (SOP) talaga ang pagseselyo sa kabaong ni Liboon at kaagad itong inilibing dahilan sa "highly contagious" ang nasabing sakit subalit hindi ito tulad ng SARS. Isa rin umanong pangkaraniwang sakit sa ibang bansa tulad ng Middle East ang naturang karamdaman. (Ulat ni Gemma Amargo)