Ito ang mariing naging tugon ni Sen. Panfilo Lacson sa akusasyon ng Association of Generals for Poe (AGPOE) sa pangunguna nina Gen. Roberto Calinisan at Gen. Pedro Balbanero na tumanggap siya ng P500 milyong campaign kitty mula sa Malacañang.
Sinabi ni Sen. Lacson, ilang ulit na niyang pinatunayan na hindi nabibili ang kanyang prinsipyo at pagkatao kahit noong siya ay nanunungkulan bilang PNP chief.
Ayon kay Lacson, bukas na libro sa sinuman ang katotohanan na tinalikuran niya ang alok na P5 milyon kada buwan na jueteng payola bilang pinuno ng Philippine National Police (PNP).
Bukod dito, hindi rin niya tinanggap ang pork barrel (P200 milyon) bilang isang mambabatas at sa mga nalalabi niyang termino hanggang 2007 ay ganito pa rin ang kanyang paninindigan na hindi tatanggap ng pork barrel.
Aniya, maging ang kampo ni Fernando Poe, Jr. na tinangkang suhulan siya para umatras sa kanyang presidential bid ay nabigo din.
Nalulungkot lamang si Lacson na ang tulad nina Calinisan at Balbanero na kasamahan niya sa serbisyo noong araw ay magpapagamit sa dirty politics.
Kasabay nito ay inutos ni Lacson sa kanyang abogado na pag-aralan ang pagsasampa ng kasong libelo sa mga ito dahil sa paggawa ng fabricated stories. (Ulat ni Rudy Andal)