Ayon sa source, mahigit 1,000 miyembro ng PGBI ang magtitipon-tipon sa Tarlac Provincial Capitol dakong alas-7 ng umaga sa Lunes at hihintayin umano ang ilang mga instruction sa kanila bago ang takdang pagtungo sa Commonwealth Avenue sa Quezon City kung saan ilulunsad ang malawakang kilos-protesta ng mga pro-FPJ.
Ibinunyag pa ng intelligence sources na isang talunang konsehal sa Tarlac sa ilalim ng partido ng KNP at isang "Mr. Sumawang," isang ministro ang siyang itinuturong nag-organisa sa paglulunsad ng naturang pagkilos.
Nabatid pa na ginagamit sa ilang linggong pagpupulong ng mga miyembro nito ang bahay ng isang opisyal ng PGBI na matatagpuan sa Bgy. San Miguel, Tarlac City kung saan doon pinag-uusapan ang gaganaping pakikipagsanib ng puwersa sa mga pro-FPJ.
Idinagdag pa ng source na tutungo at didiretso ang mga kasapi nito sa Commonwealth Ave. sakay ng ilang mga pampasaherong bus at pribadong sasakyan upang maiwasan umano ang detection sa kanila ng pulisya.
Ang pakikihalubilo ng mga PGBI sa mga pro-FPJ ay upang iprotesta at pigilan ang patuloy na canvassing. (Ulat ni Jeff Tombado)