Sinorpresa ni Atty. Sixto Brillantes, isa sa mga abogado ni FPJ, ang mga miyembro ng 22-man joint canvassing commitee nang ihayag nito ang kanilang withdrawal sa isinagawang canvassing upang iprotesta ang kasong kidnapping na inihain noong Huwebes laban sa kanyang dalawang kasamahan.
Ayon kay Brillantes, kinasuhan ng kidnapping sa DOJ sina Attys. Hariett Demetriou at Rufus Rodriguez dahil sa umanoy pagkidnap sa isang election officer na magpapatunay umano ng malawakang pandaraya ng Arroyo government.
Ang National Bureau of Investigation (NBI) aniya ang naghain ng kaso pero ayon sa balita ito ay inihain ng PNP.
Ayon naman ay Atty. Romy Macalintal, abogado ni Pangulong Arroyo, over acting ang naging reaksiyon ng mga abogado ni FPJ sa kaso dahil wala pa naman silang warrant of arrest.
Idinagdag nito na magpapatuloy pa rin ang canvassing kahit wala ang mga abogado ni FPJ.
Inamin naman ni Brillantes na natatakot na ang iba pang abogado na kumakatawan kina FPJ at vice presidential bet Loren Legarda.Posible aniyang sila naman ang isunod at kasuhan ng rebelyon.
Didiretso anya sila sa kanilang kliyenteng si FPJ at depende na dito kung papalitan sila bilang mga kinatawan nito sa bilangan.
Ipinakita naman ni Rodriguez sa mga reporter ang kopya ng charge sheet at sinabi nitong hindi niya kilala ang sinasabing election officer ng Basilan na kinidnap nila. (Ulat nina MRongalerios/RAndal)