Mikey Arroyo next Speaker ?

Ginagapang umano ng isang grupo ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na gawing Speaker sa papasok na 13th Congress si Pampanga Rep. Mikey Arroyo bilang kapalit ni House Speaker Jose de Venecia.

Sa panayam sa isang solon na tumangging magpabanggit ng pangalan, nagkaroon ng pagpupulong noong nakaraang Linggo ang nasabing grupo ng mga mambabatas na pawang miyembro ng Lakas-CMD at ginamit anya ng grupo ang pangalan ni Mikey na ilalaban nila sa Speakership.

Si Mikey ang nanalong kinatawan ng Pampanga kung saan pinalitan niya si dating Pampanga Rep. Oscar Rodriguez na tumakbong gobernador.

Idinagdag pa ng solon na tiyak aniyang magkakaroon ng paksiyon sa Lakas-CMD dahil sa ginagawa ng grupo. Pero posible rin aniyang nagpaparamdam lamang sa liderato ng Kamara ang nasabing mga miyembro ng Lakas upang makakuha ng ‘maayos’ na komite at posisyon sa Kamara.

Ilan sa mahahalagang komite na laging pinag-aagawan ang House committee on accounts, defense, ways and means at appropriations. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments