"Huwag nating pabayaang tayo ay madaya, nasa sa atin ang susi upang malaman natin ang totoong resulta ng nakaraang halalan," ani Poe.
Sinabi ni Poe na katulad noong panahon ng labanan ni dating Pangulong Cory Aquino at dating Pangulong si Ferdinand Marcos, masusing binantayan ng taumbayan ang halalan kaya naman ang naging tagumpay ni Aquino ay tagumpay din ng taumbayan.
Hinikayat ni Poe ang Kongreso na magsagawa ng malinis na bilangan ng mga boto noong Mayo 10 at umapela naman sa mamamayan na manatiling payapa ha-bang nagbibilangan.
"Inuulit ko po na buo ang aking pagtitiwala sa demokrasya. Naniniwala ako na ang tunay na kagustuhan ng mga mamamayan ay boses ng Diyos," wika ni FPJ.
Base sa mga COCs na binilang ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino, mas nakalalamang ang mga botong nakuha ni FPJ kumpara kay Pangulong Arroyo kaya ang talagang panalo sa halalan ay si FPJ.
"Kitang-kita naman na si FPJ ang nangu-nguna sa halalan kaya dapat tanggapin na ito ng lahat at huwag nang linlangin pa ang taumbayan," pahayag ni Makati City Mayor Jejomar Binay.
Ani Binay, hindi credible ang SWS na nagdeklarang lumamang si GMA kay FPJ. "Dinaya si FPJ sa level personnel ng SWS kaya naman ang mga datos na ipinaparating sa SWS upang maanalisa ay pawang mga hokus-pokus na lamang."
"Tantanan na nila ang panlilito sa mamamayan at harapin na lamang nila ang katotohanan," pahayag ni Binay. "Sa panalo ni FPJ, bida ang taumbayan," dagdag pa nito. (Ulat ni Rudy Andal)