Base sa ipinalabas na increase, ang kasalukuyang P4 na minimum fare sa pampasaherong dyip ay magiging P5.50 sa unang apat na kilometro at magkakaroon ng P1 karagdagan sa bawat kilometrong itatakbo nito.
Sa ordinary bus naman ay magiging P6 na ang pasahe mula sa dating P4 sa unang limang kilometro, karagdagang P1.10 naman ang idagdag kada kilometro sa provincial bus samantalang P1.25 sa mga bus na rumuruta sa Metro Manila.
Nilinaw ni LTFRB chairperson Ellen Bautista na magiging epektibo ang fare increase sa dyip at bus sa Hunyo 9, 2004 matapos ang 15 days publication.
Sinabi naman ng LTFRB na walang dagdag pasahe sa mga aircon bus dahil ang mga may-ari o kompanya nito ang siyang nagdedesisyon kung magtataas sila o hindi.
Kasabay nito ay humirit din ang mga taxi operators ng dagdag pasahe at P40 flag down rate ang kanilang hiling habang P2.50 sa mga susunod na patak. Anila, noong taong 2000 pa sila huling nagtaas.
Ang fare hike ay makaraang magtaasan ng P1 ang produktong petrolyo kamakailan at mga presyo ng bilihin dahilan para magbanta ng isang malawakang transport strike ang mga transport group kung hindi pakikinggan ang kanilang kahilingan.
Ayon naman sa mga maralitang manggagawa, laking pahirap ang taas sa pasahe na sumabay pa sa taas ng bilihin. Dagdag pasanin umano ito sa kanila lalo pat hindi umaabot sa minimum wage ang kinikita nila.
Nabatid na kailangang kumikita ng P400 hanggang P500 kada araw ang isang empleyado para mabuhay ng disente ang kanyang pamilya. (Ulat nina Angie dela Cruz at Edwin Balasa)