Mass evacuation sa Iraq ikinasa

Inihahanda na ng pamahalaan ng agarang paglikas sa mga manggagawang Pilipino sa Iraq na kasalukuyang ipit sa nagaganap na sunud-sunod na pambobomba sa US military camp sa Baghdad.

Kumikilos na ang mga tanggapan at mga kinatawan ng Department of Foreign Affairts (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) hinggil sa paghahanda sa repatriation ng mga overseas Filipino workers matapos na iutos din ng Pangulo na tingnan ang kalagayan ng mga Pinoy doon at agad na pauwiin kung kinakailangan.

Ito ay kasunod na rin sa naganap na magkakasunod na pambobomba ng mga Iraqi rebels sa Camp Anaconda malapit sa Camp Victory kung saan nagtatrabaho ang may 4,000 manggagawang Pinoy. Kabilang din sa loob ng US military camp ang may 51 sundalong Pilipino na nagsasagawa ng humanitarian mission sa Iraq.

Inatasan na rin ng DFA ang mga opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Iraq upang matulungan ang mga OFWs na nasa kritikal na kondisyon at agad na iproseso ang dokumento ng nasawing Pinoy na si Raymond Natividad na kabilang sa may 1,300 OFWs na nagtatrabaho sa Prime Projects International Inc.

Anumang araw ay posibleng dumating ang labi ni Natividad sa bansa. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments