475,000 guro pinasalamatan ng DepEd sa 'heroic performance'

Kinilala kahapon ni Education Secretary Edilberto de Jesus ang "kabayanihan" ng 475,000 guro na nagsilbing Board of Election Inspectors (BEIs) sa nakalipas na eleksyon kung saan naging maayos at mapayapa ang eleksyon dahil sa malaking tungkulin na ginampanan ng mga ito.

Ayon pa kay de Jesus, maituturing na "heroic performance" ang ginawa ng mga guro na dapat na ipagmalaki hindi lamang ng kagawaran kundi ng ibang bansa.

Sinabi pa ni De Jesus na hindi umano madali ang responsibilidad na iniatang sa mga teacher ngunit malugod nila itong ginampanan ng may integridad.

Sa kabila nito, hindi naman nakaligtas ang iba pang guro sa mga kaso ng harassment na nagsilbing mga BEIs sa mga kandidatong tumakbo ng nakaraang eleksyon.

Sa report na natanggap ng DepEd-Tanggol Guro sa Halalan 2004 Task Force, tatlong BEIs ang dinukot ng hindi pa kilalang mga lalaki sa Bayombong, Nueva Vizcaya at tinangay din ang mga ballot boxes na dala ng mga ito.

Sa Bulan, Sorsogon naman ay 15 BEIs at ilang poll watchers ang sapilitang ikinulong umano ng mayoral candidate matapos na akusahan ang mga ito na sangkot sa pandaraya.

Hinarang ang mga guro habang sakay ng bangka kung saan ita-transport sana nito ang mga ballot boxes patungong munisipyo ngunit pinigilan ang mga ito.

Akusasyon umano ng kandidato na may nangyaring dayaan sa bangka habang papuntang munisipyo.

Nabatid na mula noon pang Linggo ay umabot na sa 700 ang bilang ng mga complaints na natanggap ng Operation Center mula sa mga teacher. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments