2 mayoralty bets inambus: 5 patay

Sa kabila ng pahayag ng Philippine National Police (PNP) na generally peaceful ang katatapos na eleksiyon ay tumaas naman sa 114 ang bilang na namatay matapos madagdagan pa ito ng lima sa mismong araw ng halalan habang 192 ang sugatan, 11 dito ay naitala kahapon din.

Sa report ng Task Force Hope, dalawang babae na supporter ng isang mayoralty candidate ang namatay makaraang hagisan ng granada ang headquarters ni Congressman at mayoralty candidate Recom Echiverri sa Brgy. Bagong Silang.

Kinilala ang nasawing sina Violeta Cabigon at Joy Jandokeli na naglalaro noon ng baraha sa headquarters ng biglang hagisan ng granada.

Tatlo naman ang namatay sa magkasunod na insidente ng ambus sa dalawang mayoralty candidate sa lalawigan ng Zamboanga del Norte at Cebu City kaugnay ng halalan kahapon.

Ayon kay AFP-Public Information Office chief, Lt. Col. Daniel Lucero, 12:10 ng madaling araw kahapon ng tambangan ng mga armadong lalaki ang convoy ni Pedrito Darunday, kandidatong mayor sa bayan ng Tampilisan habang bumabagtas sa Brgy. Galingon, Zamboanga del Norte.

Nakaligtas si Darunday pero namatay ang dalawa nitong tauhan.

Bago ang pananambang kay Darunday ay nauna nang inambus ng mga armadong lalaki bandang alas-4:30 ng hapon nitong Linggo o sa mismong bisperas ng eleksiyon ang grupo ni La Libertad mayoral bet Carlos Mamak sa Brgy. Carcar, Cebu.

Nakaligtas si Mamak subalit tatlo sa mga supporter ang nasawi at dalawa pa ang grabeng nasugatan.

Limang election precint naman sa Naga Centennial School ang sinunog sa Naga, Cebu bandang ala-una ng madaling araw. Bunga nito ay inilipat sa kalapit na Naga High School ang ginanap na botohan.(Ulat ni Joy Cantos)

Show comments