13.5 M boto tiniyak ng Pro-Gloria

Tiniyak ng Pro-Gloria ang may 13.5 milyung boto mula sa mga non-gov’t organizations, pribadong sektor at iba pang indibidwal upang maselyo ang panalo ni Pangulong Arroyo sa May 10.

Sinabi ng mga lider ng Pro-Gloria na nagtagumpay ang support organization ng Pangulo sa pagbuo ng campaign teams hanggang sa precint level na siyang titiyak ng panalo ng kanilang kandidato.

Ayon kay Pro-Gloria sec. gen. Alex Cauguiran, epektibo nilang nasuyod ang bawat sulok ng bansa at lahat halos ng bracket ng mga mamamayan mula A hanggang E ay nagpakita ng kanilang interes sa pagpapatuloy ng leadership ni Pangulong Arroyo.

Sinabi ni Cauguiran na mayroong 246,104 coordinators ang Pro-Gloria upang magsilbing recruiter ng mga boto para sa Pangulo. Dahil dito ay wala ng suliranin para hindi makuha ang may 13.5 milyung boto na kumakatawan sa vote share na makukuha ng isang kandidato sa pampanguluhan kung limang seryosong kandidato ang maglalaban.

Ang mga grupong bumalikat upang matiyak ang pagkopo ng nasabing boto ay ang Lakas Pinoy, Kaibigan ni GMA, Kalipi ni Gloria, Aguman ning Capampangan. Kaisambayan, United Filipino Seafarers, Kaibigan OCW, Nat’l Confederation of Tricycle Drivers Operators Associations of the Philippines, Akbay Pinoy, Pinoy Overseas Party, Bigkis Pinoy, Muslim Peace and Order Council, Team Gloria (Youth) at E-Gloria. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments