Susan 'tsinansingan' nanapak

Umani ng batikos ang misis ni Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino(KNP) presidentiable Fernando Poe Jr. na si Susan Roces dahil sa umano’y pananapak sa vice mayoralty candidate sa Roxas City sa isang campaign sortie doon.

Pero nilinaw ng aktres na supporter ni Poe na si Annabelle Rama na naramdaman ni Susan na siya’y "natsatsansingan" kung kaya’t natabig niya si Konsehal Allan Celino na siyang kandidato sa pagka-vice mayor ng KNP sa Roxas City.

Sa kabila ng paliwanag na ito, marami ang bumabatikos kay Roces, dahil sa pagkakapareho ng ‘init ng ulo’ niya sa asawang action king na si FPJ.

Hinampas at sinikmuraan diumano ni Roces si Celino, konsehal ng Roxas City habang tumutulak ang kampanya ng partido sa Teodoro Arcenas Trade Center.

Ayon kay Celino, nakabuntot siya sa aktres habang nangangampanya ito sa mga taga-roon. Sinubukan umano niyang kunin ang atensyon ni Roces na lingunin ang ibang taga-suporta nang bigla siya nitong bigwasan sa sikmura, bagay na ikinagulat naman ni Celino.

Kinumpirma ni Atty. Joseph Arrojado, regional chairman ng Pro-Poe Filipinos for Progress Justice Truth Movement ang nasabing insidente.

Matapos ang pangyayari ay napaupo na lamang ang kawawang kandidato sa isang sulok.

"Nahilo ako sa kahihiyang inabot ko," ani Celino sa isang panayam sa kanya sa Bombo Radyo.

Sinabi pa nito na hindi na rin gaanong naintindihan kung bakit siya napag-initan ng maybahay ng inaakala nilang "Bida ng Masa". Tumulong naman raw sila sa kampanya maski wala ni singkong ibinigay ang kampo ng aktor.

Sa kabila nito, si Celino pa raw ang humingi ng dispensa sa aktres, bagay na 'di naman binigyang halaga umano ng aktres.

"Baka dala lamang ng init ng panahon, pagod at inis sa dami ng tao kaya ako ang nabigwasan," dagdag pa ni Celino

Ipinalalagay naman na isa pa sa dahilan ng pagiging mainitin ni Roces ang pagseselos diumano kay Sen. Loren Legarda na dikit nang dikit kay FPJ. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments