Roco nagwi-wheelchair na, pero tuloy ang laban

Inamin ni Alyansa ng Pag-asa standard bearer Raul Roco kahapon na gumagamit na siya ng wheelchair dahil nahihirapan na siyang maglakad, pero tiniyak na makakabalik siya sa bansa bago matapos ang buwan.

Pinanindigan ni Roco sa kanyang mga supporters na hindi siya aatras sa pagtakbo sa pagkapangulo kahit pa tinalikuran na siya ng ilan niyang supporters.

"Tuloy na tuloy ang laban at pagsisikapan kong nandiyan ako bago magkatapusan ng buwan," pahayag ni Roco.

Nagsagawa rin umano ang kanyang mga doctor ng ilang laboratory examination subalit wala pa umanong diagnosis ang mga ito.

"Ako naman ay hindi nagtatago sa publiko. Ayaw ko lang unahan ng hula dahil kahit yung mga dala kong x-rays, iba’t ibang lab test galing diyan sa ospital sa Manila ay titingnan nila at gusto nilang ulitin ang iba," wika ni Roco.

Inamin din ni Roco na wala siya sa Houston City subalit napakalapit umano niya dito. Sinabi lang umano nito na sa Houston siya pupunta subalit hindi nito ibinigay ang tamang lugar at detalye sa pangambang puntahan ito ng mga taong nais magtanong dahilan upang hindi ito makapagpahinga ng husto. (Edwin Balasa)

Show comments