Ayon kay Jaworski, kailangang matigil sa lalong madaling panahon ang on-line gambling ng Sports Games and Entertainment Corp. (Sage) na naunang ipinagbawal ng SC.
Bilang chairman ng Senate committee on games, amusements and sports, sinabi ni Jaworski sa kanyang petisyon na umabuso ang Pagcor sa kanilang kapangyarihan nang bigyan nito ng permiso ang Sage na makapagbukas ng internet gambling.
Sa desisyon ng SC na isinulat ni Associate Justice Consuelo Ynares-Santiago at pinirmahan ni Chief Justice Hilario Davide Jr. kasama ng 3 pang mahistrado, sinabi nito na walang karapatan ang Pagcor na ipagamit ang kanilang prangkisa sa alinmang kompanya.
Sinabi rin sa desisyon na kailangang kumuha ang Sage ng legislative franchise na raratipikahan ng Kongreso bago ito legal na makapag-operate ng kanilang internet gambling.
Ayon kay Jaworski, importanteng maging mabilis ang pag-aksiyon ng SC sa motion for reconsideration ng Sage dahil patuloy na nakakaakit ng maramig kabataang estudyante ang on-line gambling na mahigpit na ipinagbabawal ng batas. (Ulat ni Rudy Andal)