Sinabi ni Willie Espiritu na sa kaso ni GMA-7 reporter Sandra Aguinaldo, dapat na matingnan ng media handlers ni FPJ ang kanilang kakulangan dahil sila ang dapat sisihin sa nangyari. Posible anyang nagkulang ang mga ito sa pagsasagawa ng media briefing dahil sa kanila nakasalalay ang ikikilos ng kandidato at mga nakapaligid dito.
Kailangan anya ng proper decorum sa ganitong uri ng coverage, lalo na sa katulad ni FPJ na pinagkakaguluhan ng kanyang tagahanga.
Ipinaliwanag ni Espiritu na dapat ay alam din ng mediamen ang kanyang limitasyon. Sadya aniyang nakakairita o nakakapikon ang pagkakataon na hindi makita ang isang kandidato sa campaign sortie dahil sa nag-uumpukang mediamen sa harap at likod nito.
Magugunita na maging si Pangulong Arroyo ay humingi rin ng paumanhin sa isa pang reporter ng GMA-7 na si Tina Panganiban-Perez matapos na pinahiya sa isang press conference.
Gayunman, niliwanag ni Espiritu na hindi lamang kay FPJ nakatuon ang kanyang pahayag kundi para sa lahat ng kandidato at mediaman. (Ellen Fernando)