Kinilala ni Batangas Provincial director P/Sr. Supt. Rudy Magtibay ang inambus na si Michael Maranan, 34 anyos ng Brgy, Cuta at kilalang supporter ni reelectionist Batangas City Mayor Eduardo Dimacuha habang sugatan ang dalawa nitong kasamahan nang tambangan sa Brgy. Bolbok, ng lungsod dakong 8:35 ng umaga kahapon habang minamaneho ang kanyang Honda Accord na may plakang UDN 452.
Sugatan sina Salvador Labay , 44 at Rexon Resurreccion, 28, na mabilis na isinugod sa Batangas Regional Hospital.
Una rito, dakong 8:35 naman kamakalawa ng gabi nang salakayin ng 20 armadong kalalakihan ang tahanan ni Guillermo Esconde, 37, ng Arieta Subd., Brgy. 20 , Batangas city kung saan dinukot ito kasama ang apat pang supporter ni Dimacuha na sina Anthony Isar, Freddie Dimayuga, Edgardo Gonda at Roy Dondueñas.
Tinangay rin ng mga suspek na pawang armado ng malalakas na kalibre ng armas at naka-maskara ang tinatayang P3 milyon mula sa cash vault ni Esconde at sapilitang kinaladkad ang mga ito pasakay sa isang naghihintay na van at kotse.
Labing-dalawang oras matapos ang pagdukot ay natagpuan ang mga itong nakapiring, naka-plaster ang bibig at tadtad ng mga tama ng bala sa katawan matapos na itapon ang bangkay sa ilalim ng tulay sa Brgy. Sabang sa hangganan ng bayan ng Ibaan at Batangas City.
Kinilala ni Supt. Edmund Zaide, Chief of Police ng Calamba City ang mga nasawi na sina ret. Police Domingo Lumbres, dating commander ng Camp Vicente Lim; Victor Molina, 40 at Christopher Manaig, 19. Sugatan sina Elena Alcabasa, 49; Anthony Alcabasa, 23 at Marta Manaig, 56, pawang ng Brgy. Palo Alto.
Nabatid na nagtungo sa lugar sina Lumbres lulan ng kaniyang kulay dilaw na owner type jeep matapos makatanggap ng ulat na binaklas at sinusunog ng grupo ng mga kalalakihang supporter ng kalabang partido ang streamers at posters ni mayoralty candidate Saturnino Lajara na kanila namang sinusuportahang kandidato sa lugar.
Matapos sitahin ang grupo ng mga supporters ng kanilang mga kalaban habang pauwi na ay sinundan ng isa ring owner type jeep ang sasakyan ng mga biktima at saka niratrat na siyang ikinasawi at ikinasugat ng mga biktima.