Sinabi ni Villanueva na dating taga-suporta ng mga kaisipang Marxist pero umiba ng landas nang makita ang tunay na liwanag at pangunahing tagapagtaguyod ngayon ng mga Salita ng Diyos na parang isang bulkan na anumang sandali ay sasabog ang damdamin ng bansa dahil na rin sa malawakang taggutom na nararanasan sa kasalukuyan. Ito ayon kay Villanueva ay bunga ng talamak na katiwalian sa pamahalaan.
Sinabi pa ni Villanueva na nakalulungkot isipin na ang Pilipinas na dating number one sa Asia matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig ay nahuhuli ngayon at nilagpasan pa ng bansang Vietnam.
Binigyang diin pa ni Villanueva na tila Bangladesh na lamang ang siyang katulad ng Pilipinas dahil sa kahirapan na malawakang sumasakop sa bansa. Bilang patunay ay inilahad ni Villanueva na ang kasalukuyang 32 milyon sa kabuuang 80 milyong populasyon ng bansa ay nabubuhay below poverty line.
Sa kabila ng babalang inilahad ni Villanueva ay sinabi rin nito na mayroon pang pag-asa upang maiahon sa kahirapan ang bansa at ito ay sa pamamagitan ng sama-samang pakikipagsagupa sa ugat ng kahirapang ito na walang iba kundi ang talamak na graft and corruption sa bansa.
Hinikayat ni Villanueva na sa pamamagitan ng direktang pakikialam sa darating na halalan at pagluklok sa sugo ng Panginoon na siyang magtutuwid ng umiiral na kabuktutan sa pamahalaan ay malulunasan ang umiiral na kahirapan at maiiwasan na mapasa-kamay ng mga komunista ang bansa.
Ang lahat ng ito ay magkakaroon ng kaganapan kung siya ang maihahalal bilang pangulo ng bansa. (Ulat ni Bong D. Fabe)