Ayon kay Jaworski, bagamat nakakaalarma ang patuloy na pagtaas ng presyo ng baboy kada kilo, naniniwala pa rin siya na hindi solusyon ang duty-free pork na ipatutupad ng gobyerno.
Batay sa rekomendasyon ng Cabinet-level Tariff and Related Matters, papayagan ng gobyerno na makapag-angkat ng 10,000 metrikong tonelada ng baboy mula sa Dutch at 350,000 metric tons ng corn feeds hanggang sa katapusan ng taon.
Sa kasalukuyan, ang buwis na binabayaran sa imported pork ay aabot sa 50% mula sa actual na pagkakabili nito sa abroad samantalang 3% sa corn feeds at 30% naman sa soybeans na parehong kinakain ng mga baboy.
Anumang araw sa susunod na linggo ay inaasahang lalagdaan na ng Pangulo ang Executive Order para sa pagpapatupad ng Department of Agriculture ng tariff incentives sa mga imported na baboy.
Sinabi ni Jaworski na posibleng mamatay ang local hog raising industry kapag natuloy ang ganitong plano ng pamahalaan.
Tahasang sinabi ni Jaworski na masyadong drastiko ang naisipang plano ng mga Cabinet members na lalo pang magpapahirap sa maraming negosyante sa bansa. (Rudy Andal)