2 Gabriela inireklamo sa 'Kinse-anyos' ad

Ipinagharap ng reklamo kahapon sa Office of the Ombudsman ng Destileria Limtuaco and Co., Inc. ang dalawang miyembro ng party-list group na Gabriela dahil sa kontrobersiyal na advertisement na "Kinse-anyos" ng Napoleon 15-years-old brandy.

Sina Liza Maza, dating Bayan Muna representative at national president ng bagong buong Gabriela Women’s party-list at si Cristina Palabay, secretary-general ng nabanggit na grupo ay inireklamo ni Olivia Limpe-aw, executive vice president ng Destileria Limtuaco, manufacturer ng nasabing brandy, dahil naapektuhan ang kanilang negosyo bunsod ng pagpapa-pull out ni Maza ng kanilang advertisements.

Magugunitang pinanindigan ni Maza na nababastos ang mga kababaihan sa nasabing ad dahil sa "double meaning" na dating nito.

"Kung 45-years-old ba yong kanilang brandy, sasabihin nilang ‘nakatikim ka na ba ng 45-anyos, siyempre hindi," ani Maza.

Pero sinabi ni Limpe-aw na nagkaroon ng "grave and irreperable injury" sa kanilang advertisement ang ipinadalang sulat ni Maza kay Oscar Valenzuela, executive director ng Advertising Board na humihiling na ipatanggal ang kontrobersiyal na commercials sa mga radio stations, televisions at billboards.

Ang naturang ad ay may pamagat na "Ginagabi" ay binigyan ng clearance para ipalabas sa telebisyon, sinehan at iparinig sa radyo noong Pebrero 2, 2004.

Ipinag-utos naman ng adboard ang pagpapatigil ng komersiyal nitong nakaraang Marso 3 dahil sa reklamo nina Maza. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments