Ayon kay Maureen Advincula, 28, pangulo ng APAP, matagal na silang nakakatanggap ng reklamo hinggil sa umanoy nararanasang harrassment at pagmamaltrato sa mga Overseas Performing Artists (OPAs) na kadalasan ay ipinapa-deport na hindi sumasailalim sa "due process".
Sinabi ni Advincula, isinagawa ng Japan Bureau of Immigration sa mga OPAs ang "massive crackdown" sa mga club, amusement center at maging sa mga shopping malls.
Hiniling na rin ng grupo ni Advincula sa gobyerno na gumawa ng agarang aksyon laban sa reklamo ng mga performing artists kung ayaw nilang mawalan ng hanapbuhay ang mga entertainers sa Japan na siyang pangunahing nagpapasok ng dolyar sa kaban ng bansa.
Una dito, isiniwalat na rin ng grupo ni Willie Espiritu, pangulo ng Philippine Overseas Entertainment Industry (POEI) Foundation ang nararanasang problema ng mga Filipino entertainers ngunit nananatili na walang aksyon ang kinauukulang ahensya ng ng pamahalaan.
Nagbanta ang grupo ni Advincula na mapipilitan silang magsagawa ng kilos protesta sa susunod na mga araw upang kalampagin ang pamahalaan hinggil sa nasabing suliranin ng OPAs. (Ulat ni Ellen Fernando)