Ito ang binigyang diin kahapon ni Atty. Ismael Khan, Public Information Office (PIO) chief ng SC kung saan ay kanyang isiniwalat na sa nakalipas na mga desisyon ng SC en banc ay nababaligtad ito sa pamamagitan ng paghahain ng motion for reconsideration (MR) ng mga petitioner.
Binanggit ni Khan ang ilang nakalipas na desisyon ng SC en banc kung saan ay sila mismo ang nagbago ng kanilang isipan at desisyon mula sa kanilang orihinal na hatol.
Kabilang sa mga landmark cases na binaligtad ng Korte Suprema pagdating sa MR ay ang Kuratong Baleleng case ni Sen. Panfilo Lacson, ang Oil Deregulation Law ni Bataan Rep. Enrique Garcia at ang extradition case ni dating Manila Rep. Mark Jimenez.
Binigyang diin ni Atty. Khan na puwede pa ring magbago ang takbo ng botohan dahil hindi nakaboto si Associate Justice Artemio Panganiban dahil siya ay nasa South America.
Nilinaw ni Atty. Khan na hindi nakapagpadala ng kanyang boto si Panganiban dahil hindi siya makontak ng isagawa ang botohan.
Madikit umano ang botohan sa ilalim ng botong 8-5-1 kaya may tiyansa pa ring mawala kay FPJ ang bendisyon ng Korte. (Ulat ni Grace dela Cruz)