Dakong ala-una ng hapon ay gaganapin ang oral argument sa pagitan ng petitioners na kumukuwestiyon sa citizenship ni FPJ na kinabibilangan nina Attys. Maria Jeanette Tecson, Felix Desiderio Jr., Zoilo Antonio Velez at ang orihinal na petitioners sa Comelec na sina Attys. Andresito at Victorino Fornier.
Lumalabas sa komentong isinumite sa Mataas na Hukuman na ang naturang mga abugado at ang tatlong komisyuner ng Comelec na sina Florentino Tuason, Virgilio Garcilano at Manuel Barcelona, at maging si presidential candidate Raul Roco na pumasok bilang isang intervenor ay nagpahayag ng kanilang paniniwala na dapat lamang idisqualify si Da King dahil hindi ito isang natural-born Filipino citizen.
Apat na amicus curiae ang haharap sa SC upang ibigay ang kanilang panig tungkol sa kuwestiyon na citizenship ni Poe pero kanilang nilinaw na ang ibibigay na payo ng apat sa Mataas na Hukuman ay gagamitin lamang para pagbasehan ng mga mahistrado sa kanilang gagawing paghatol at hindi nangangahulugan na susundin ang lahat ng sasabihin nito.
Iginiit naman ng kampo ni FPJ na ang isyu lamang sa hurisdiksiyon ng SC ang talakayin dahil sa paniniwalang ang merito ng mismong kaso ay hindi saklaw ng demanda dahil sa kawalan ng kapangyarihan ng Korte Suprema. (Ulat ni Gemma Amargo)