Base sa impormasyong nakalap sa Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP), maraming kingpins ni FPJ sa local government ang tumalon kay Pangulong Arroyo sanhi ng kawalan ng plataporma de gobyerno ni Da King.
Unang lumipat sa kampo ng administrasyon si Laguna Governor Teresita "Ningning" Lazaro kung saan sinimulan ng K-4 ang kanilang pinakamalaking rally kahapon sa Southern Tagalog.
Bukod kay Lazaro, sumunod ding nakipagkasundo na sa kampo ni Pangulong Arroyo sina Puerto Princesa Mayor Hagedorn, dating Caloocan Mayor Macario "Boy" Asistio, Nueva Ecija Governor Thomas Joson, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Cagayan de Oro Mayor Vicente Emano at Camarines Sur Gov. Luis Villafuerte.
"Inaasahang magkakaroon ng exodus sa darating na panahon patungo sa K-4 dahil unti-unti na nilang nakikilala ang tunay na adhikain ng convenor ng KNP sa pagsusulong ng kandidatura ni FPJ," pahayag ng source sa KNP.
Inihayag pa ng source na may ilang malalaki at maiimpluwensiyang pulitiko mula sa Mindanao ang kasalukuyang nakikipag-usap sa K-4.
Naunang kumalas kay Senador Edgardo Angara, presidente ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP), si Sen. Rodolfo Biazon dahil binalewala ng naturang lider ang proseso sa pagpili ng standard bearer ng partido.
Matatandaan pa ng mabuo ang KNP, kumalas kay FPJ at lumipat kay Pangulong Arroyo sina dating Senador Miriam Defensor-Santiago at Sen. John Osmeña, kilalang kingpin naman ng Central Visayas.
Ayon naman kay Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay Jr., naniniwala ang mga sumusuporta kay FPJ na hindi nito kayang pantayan ang mga nagawa at gagawin pa ni Pangulong Arroyo sa susunod na anim na taon.
Hindi anya tulad ng kaibigan nitong si dating Pangulong Estrada na naging mayor, senador at bise presidente bago sumabak sa pampanguluhang halalan, si FPJ ay walang karanasan sa pulitika. (Ulat nina Rudy Andal at Malou Rongalerios)