Sa isinagawang imbestigasyon ng komite, nagmatigas ang grupo ni Sen. Angara na isoli ang microfilm na hiniram ng empleyado nito sa National Archives.
Nauna nang napaulat na isang empleyado ni Angara ang humiram ng dalawang microfilm sa Archives na may kinalaman kay Da King bago pa man sumambulat ang iskandalo ukol sa citizenship ng nasabing aktor.
Sa dalawang microfilm na hiniram ay isa lamang ang isinoli ng bata ni Angara.
Sa pahayag ng komite, kung wala anyang itinatago ang grupo ni Angara ay dapat nitong ilabas ang mga microfilm para makita kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Sa isinagawa pa ring House probe, napansin na magkaiba ang naging testimonya ng dalawang empleyado ng kompanya na nagduplicate sa mga dokumento ni FPJ sa petsa ng kanilang sworn statement.
Sinabi ni Rep. Prospero Pichay na ang sworn statement ni William Duff, supervisor ng Florofoto shop sa Quiapo ay ginawa noong Enero 2, 2004 samantala nagpunta sa kanilang opisina sa Palanca st.si Manapat noong Enero 10, 2004.
Lumalabas aniya na nauna pa ang pagbibigay ng sworn statement kaysa sa printing ng mga dokumento.
Kabilang sa mga sinasabing pina-microfilmed ni Manapat ay ang birth certificate at marriage contract ni Allan Poe sa isang Paulita Gomez.
Sa isinagawang hearing, sinabi ng microfilm experts mula sa Kodak at Microdata na mahirap at masasabing "extreme difficulty" ang baguhin ang entry sa isang microfilm.
Sinabi ni Francis Yanga, country sales manager ng Kodak, hindi kayang kopyahin ng isang duplicating machine ang entries mula sa microfilm at ilipat ito sa iba. (Ulat ni Malou Rongalerios)