Loren panalo sa kabataan

Si Sen. Loren Legarda ang ibobotong bise presidente ng mga kabataan sa May elections, batay sa isang mock election na ginanap noong isang linggo ng party-list organization ng Anak Ng Bayan.

Sa isang press conference kahapon sa Quezon City, sinabi ni Anak Ng Bayan president Apolinario Alvarez na 2-1 ang lamang ni Loren kay Sen. Noli de Castro kung ang pag-uusapan ay ang boto ng mga estudyante at out-of-school youth.

Ang Anak ng Bayan ay isang umbrella organization ng mga kabataan, na binubuo ng National Union of Students of the Philippines, College Editors Guild of the Philippines, Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan, Student Christian Movement of the Philippines, Anakbayan at League of Filipino Students.

Sa university belt, si Loren ay nakakopo ng 103 boto habang 55 boto lang ang nakuha ni de Castro sa kabuuang 191 estudyanteng nagpartisipa sa mock election.

Sa survey naman sa Sampaloc, Manila para sa mga kabataang di nag-aaral, si Loren pa rin ang nanguna.

Ayon sa Anak Ng Bayan, mas malamang na manalo ang sinumang kandidato na papaboran ng mga kabataan dahil sa 42.9 milyong rehistradong botante sa bansa, 12.9 milyon ang nasa age bracket na 18-24.

Sa kanilang pagpili kay Loren, sinabi ng karamihan sa estudyante na ang magandang track record, scholarship achievements at pro-people programs ang kumumbinsi sa kanila. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments