Itoy matapos arestuhin nitong Miyerkules ng gabi ni AFP Chief of Staff Gen. Narciso Abaya ang apat na Army captain at idawit ang pangalan ni Saycon.
Inaresto ang mga ito dahil sa pagpapakalat ng kontrobersiyal na manifesto kung saan ibinulgar nila ang umanoy pagpapa-espiya ng administrasyon sa mga kalaban nitong presidential candidate na sina Sen. Panfilo Lacson, Fernando Poe Jr. at Raul Roco.
Nasa custody ng Phil. Army Intelligence and Security Group dahil sa paglabag sa Articles of War sina Capt. Marcos Serafica, nakatalaga sa Army Support Command; Capt. Rembert Baylosis ng Armys 7th Infantry Division; Capt. Moh Yusop Hasan ng Civil Affairs Group; Capt. Philip Esmeralda ng Headquarters & Headquarters Support Group at ang sumuko kahapon na si Capt. Peter Edwin Navarro, umanoy nagmaniobra sa grupo at anak ni ret. P/Gen. Pedro Navarro.
Nagdesisyong sumuko si Navarro matapos na masakote ang apat sa mga kasamahan niya sa Kawal.
Isa pa sa grupo na umanoy impostor ang pinaghahanap na nagpakilalang si Atty. Arzadon Baltazar, may codename na Capt. Gabay.
Base sa impormasyon ng Army, ibinulgar ni Serafica na nitong Enero 26 ay nagkita sila nina Navarro sa Glorietta na siyang nagsama sa grupo. Lulan ng isang Pajero ay nagtungo sila sa isang bahay sa Ayala, Alabang kung saan nakipagpulong sila kay Saycon.
Nabatid na si Serafica ang pangulo ng Officer Candidate School (OCS) Class 10 kung saan ay nag-photo session umano sila sa lugar para sa karaingan ng mga sundalong masyado nang nagagamit sa pamumulitika ni Defense Secretary Eduardo Ermita.
Hinihiling rin ng grupo ang pagbibitiw sa tungkulin ni Ermita dahil sa nakikipagsabwatan umano ang mga ito sa administrasyon sa paggamit sa militar sa pamumulitika ng punong ehekutibo.
Ang mga junior officers ay nakatakdang sampahan ng kaso dahil sa conduct unbecoming of an officer and a gentleman, disrespect towards a superior officer and towards the Secretary of National Defense.
Samantala, si Gabay ay kakasuhan din dahil sa pagpapanggap na sundalo at pagsusuot ng uniporme ng militar.
Sa panig naman ni Ermita, sinabi nito na walang basehan ang akusasyon ng grupo at pawang produkto lamang ng maruming imahinasyon.
Itinanggi rin nito na siya ay namumulitika at hindi rin umano niya ginagamit ang kanyang puwesto para impluwensiyahan ang kasundaluhan para sa darating na halalan.
Sa panig naman ni Boy Saycon, itinanggi nito na siya ang nasa likod ng destabilization plot ng grupong Kawal laban sa administrasyong Arroyo.
Lumapit lamang sa kanya ang nasabing grupo para ihayag ang kanilang mga karaingan kaya natural lamang aniya na siyay tumulong kapag may nangangailangan.
Kasalukuyan nang nangangalap ang AFP ng ebidensiya laban kay Saycon. (Ulat ni Joy Cantos)