Sa 8-pahinang supplemental petition, nagsumite sina Attys. Maria Jeanette Tecson at Felix Desiderio Jr. ng kahilingan na baligtarin ang resolusyon ng Comelec na ipinalabas noong Enero 17, 2004 na nagbibigay daan para sa certificate of candidacy na inihain ni FPJ bilang presidential candidate.
Iginiit pa ng nasabing mga abugado na ang pagbasura ng Comelec sa disqualification laban kay FPJ ay labag sa Saligang Batas at walang anumang epektong ligal.
Ito ay dahil ang Comelec mismo ang umamin na wala silang hurisdiksiyon na determinahin kung isang natural born citizen si Da King makaraang kuwestiyunin ito ng magkapatid na Andresito at Victorino Fornier.
Umapela sina Tecson sa SC na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) na nag-uutos sa Comelec na huwag ng hawakan ang naturang kaso dahil sa kawalan nila ng hurisdiksiyon dito.
Nais din nina Tecson na ideklara ng SC si FPJ na hindi isang natural born at walang karapatan na kumandidato at ihalal bilang pangulo ng bansa.
Hiniling pa rin ng mga ito na ibasura ang kandidatura ni FPJ sa pampanguluhan at tanggalin ang pangalan sa listahan ng mga kandidato sa Mayo 2004. (Ulat ni Grace dela Cruz)