Matapos ang itinakdang deadline ng paghahain ng COC kamakalawa ng mga kandidato, nabatid na nakapagtala ang Comelec sa unang kasaysayan ng halalan sa bansa ng may 84 kandidato sa pagka-pangulo.
Base sa record, umaabot naman sa 21 katao ang naghain ng kanilang COC sa pagka-bise presidente habang sa senatorial bet ay umaabot sa 88.
Si Pangulong Arroyo ay pang-57 sa talaan ng presidentiables at huling national figure na naghain ng COC habang sa pagka-senador ay humabol sa ika-68 si religious leader Ely Soriano ng Ang Dating Daan at pang-88 si Cristina Ramos, dating Philippine Sports Commission chairman at anak ni dating Pangulong Ramos.
Sinabi ni Comelec Chairman Benjamin Abalos na posibleng anim na lamang na kilalang kandidato sa pagka-pangulo ang matitira at maglalaban-laban sa eleksiyon.
Itoy sina Pangulong Arroyo, Raul Roco, Sen. Panfilo Lacson, Bro. Eddie Villanueva, Fernando Poe Jr. at isang di pa binanggit na kandidato.
Ang screening ay isinasagawa na ng Comelec en banc at sinabing bago magtapos ang linggong ito ay ihahayag na ang mga kuwalipikado at nalaglag na mga kandidato sa 2004 elections. (Ulat ni Ellen Fernando)