Ayon sa report ni Dr. Manuel Gepte ng RITM, galing Hong Kong ang naturang OFW na tinawag sa initial na M.B. at may ilang linggo nang nananatili sa bansa bago pa makitaan ng mga sintomas ng SARS.
Dumating umano ito noong Disyembre 20 at nagtungo sa kanilang lalawigan sa Laguna para magbakasyon. Pagkaraan ng apat na araw ay nagsimulang manakit ang kalamnan nito at nahirapang huminga.
Noong Dis. 28 ay nilagnat na ito at kaya isinugod ng kanyang mga kamag-anak sa Laguna provincial health office at na-diagnose na may atypical pneumonia. Noong Enero 1 ay dinala ito sa RITM.
Noong Enero 4 ay nilagnat naman ang asawa nito kaya inoobserbahan na rin, habang ang kanilang dalawang anak ay naka-quarantine. Nag-volunteer na rin ang doktor na tumingin kay M.B. na magpa-quarantine.
Bagaman walang naitalang record ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng "contact-tracing" ang health authorities upang mabatid kung anong airline sumakay ang pasahero at kung sino ang mga nakahalubilo nito bago siya lagnatin.
Itinanggi naman kahapon ng pamunuan ng NAIA at DOH na may nakalusot na pasahero na umanoy apektado ng SARS.
Sinabi ni Danny Chua, action officer ng NAIA, na wala pang record ang DOH/NAIA ng mga pasaherong na-isolate dahil sa hinalang apektado ang mga ito ng SARS virus.
"Nang muling maalerto ang bansa dahil sa pagputok na naman ng SARS, wala pang naitalang record ang DOH na pasaherong na-isolate dahil may sintomas ito ng SARS. Iyong inireport, maaaring sa labas na ng NAIA. Imposibleng makalusot iyang pasahero kung meron man siyang lagnat, dahil dumadaan lahat ng pasahero sa SARS scanning machines. Tatlo ang makina dito," sabi pa ni Chua.(Ulat nina Butch Quejada at Gemma Amargo)