Ayon kay Sen. Oreta, pangunahing dahilan ng kanyang pag-atras ay ang pagkakawatak-watak ng pamilya Aquino kung saan ang kanyang tiyuhing si dating Tarlac Rep. Herminio Aquino ay running mate ni dating Education Sec. Raul Roco habang ang kanyang kapatid na si Makati Rep. Butz Aquino naman ay sumusuporta sa presidential bid ni Sen. Panfilo Lacson.
"I believe that our family and Filipino voters for that matter need right now is to see one more Aquino running under yet another anti-administration ticket," sabi ni Oreta.
Ayon sa lady solon, matagal niyang pinag-isipan at kinonsulta ang kanyang pamilya at mga supporter bago siya nagdesisyong hindi na lumahok sa senatorial derby sa darating na eleksiyon.
Wika pa ni Oreta, hindi naman ito nangangahulugan na magreretiro na siya sa pulitika bagkus ay nakahanda siyang tumulong sa pangangampanya kay FPJ upang masiguro ang panalo nito.
Binatikos din ni Oreta ang mga paninira ng ilang kritiko ni FPJ dahil sa pagiging high school drop-out nito dahil ang paglait na ito sa action king ay paglait na rin sa ating bayaning si Andres Bonifacio at 15 milyong Filipino na hindi nakatapos ng kanilang pag-aaral.
Naniniwala ang senadora na pangunahin sa agenda ni FPJ ay ang pagreporma sa ating edukasyon na kanyang isinusulong mula ng maluklok siya sa Kongreso noong 1987 para mabiyayaan ang mga maralita na magkaroon ng kalidad na edukasyon.
Inihayag rin ni Oreta na hindi nakasama sa senatorial ticket ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino si dating San Juan Mayor Jinggoy Estrada at walo pang aspirante matapos ang pinal na desisyon ni FPJ.
Bukod kay Jinggoy, hindi rin napabilang sa senatorial line-up ng KNP ang mga dating senador na sina Ernesto Maceda at Nikki Coseteng, Vice President Teofisto Guingona at dating Ambassador Roy Seneres.
Inirekomenda naman ni Oreta na maging kapalit niya sa kanyang slot ang kanyang pamangkin na si Tarlac Rep. Noynoy Aquino subalit tumanggi ang huli dahil mas gusto nitong tapusin ang kanyang 3 termino sa Kongreso.
Bagaman hindi nakabilang sa 12 senatoriables ng oposisyon si Jinggoy, tatakbo na lang ito bilang kongresista ng San Juan kalaban ang kasalukuyang Rep. Ronaldo Zamora na sumusuporta sa kandidatura ni Sen. Panfilo Lacson. (Ulat ni Rudy Andal)