Erap loyalists di bumilib kay FPJ sa pagpili kay Loren bilang bise

Dismayado ang mga Erap loyalists sa naging desisyon ni action king Fernando Poe Jr. na kuning running mate si Senate Majority Leader Loren Legarda sa ilalim ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP).

Ayon sa mga Erap loyalists, hindi sila bilib sa naging desisyong ito ni FPJ.

Anila, sana ay hindi nga nagkamali ng kanyang pagpili ng running mate si FPJ kay Loren at huwag sanang maulit ang nangyari noon kay dating Pangulong Joseph Estrada na pinatalsik sa puwesto ng kanyang inaakalang kakampi sa pamamagitan ng impeachment trial.

Wika pa ng mga loyalista ni Estrada, dapat ay pinag-aralan mabuti ni FPJ ang kanyang ginawang desisyon lalo na ang naging partisipasyon ni Legarda sa Estrada impeachment.

Samantala, inihayag naman ni Sen. Legarda sa isang press conference kahapon sa Manila Polo Club na pormal na niyang tinatanggap ang pagiging running mate niya ni FPJ sa ilalim ng United Opposition.

Ayon kay Legarda, pinili siya ni FPJ na maging tandem dahil na rin sa pagkakapareho ng kanilang platform of government at pagkakaroon ng transparency sa pamahalaan.

Idinagdag pa ni Legarda, sakaling sila ni FPJ ang magwagi sa darating na presidential at vice presidential derby ay ipagkakaloob nila ang "transparent" na gobyerno upang tuluyang wakasan ang corruption. Siniguro naman kahapon ni FPJ kay Legarda na "bibitbitin" niya ito upang masiguro ang panalo sa darating na halalan.

Ayon kay FPJ sa liham nito kay Legarda, walang dapat ipag-alala ang senadora kahit ang makakasagupa nito ay ang kanyang kasamahan sa ABS-CBN na si Sen. Noli de Castro dahil siguradong "madadala" niya ito upang matiyak ang panalo nito. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments