Erap kay FPJ: Ingat sa pagpili ng bise

Pinaalalahanan kahapon ni dating Pangulong Joseph Estrada ang kanyang matalik na kaibigan na si action king Fernando Poe Jr. na maging maingat sa pagpili ng kanyang magiging running mate sa darating na 2004 elections.

Ayon sa source, nag-usap kamakalawa si Erap at FPJ at mas pabor umano ang dating pangulo na kunin ni FPJ na running mate si Sen. Gringo Honasan kaysa kay Senate Majority Leader Loren Legarda.

Wika pa ng impormante, iginigiit ni Erap kay FPJ nang mag-usap ang mga ito sa telepono kamakalawa na mas bigyang pansin nito ang FPJ-Gringo tandem kaysa sa FPJ-Loren.

Hindi umano kumbinsido si Erap na kuning running mate ni FPJ si Loren dahil sa naging partisipasyon nito sa impeachment trial na nagpatalsik sa kanya.

Inihayag naman ni Sen. Honasan ang kanyang kahandaan na tumakbo bilang running mate ni FPJ sa ilalim ng United Opposition.

Maging ang "EDSA 3 Forces" ay isinusulong ang FPJ-Gringo tandem dahil sa kapwa maka-masa ang dalawang maginoo.

Samantala, positibo naman ang kampo ni Sen. Legarda na ito ang makukuhang katambal ni FPJ sa 2004. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments