Kinilala ni NAKTAF Chairman Angelo Reyes ang nahuling suspek na si Lusencio Saliente alyas Esing, miyembro ng Waray-Waray kidnap-for-ransom gang, itinuturong triggerman sa pagpatay sa kinidnap na si Sy.
Kasama ring nasakote ng mga awtoridad ang girlfriend ng suspek na si Tricia Gutierrez na hinihinala ring kasabwat nito sa kaniyang illegal na aktibidad.
Nabatid na sina Saliente at Gutierrez ay nabitag ng mga elemento ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) Visayas at ng Police Regional Office (PRO) 8 habang lulan ng isang pampasaherong bus patungong Maynila matapos maharang sa checkpoint sa San Juanico, Brgy. Cabalawan, Tacloban City dakong 1:30 ng hapon.
Hindi na nakapalag ang suspek matapos makorner ng mga tauhan ng NAKTAF at nakumpiska rin mula rito ang isang cal. 38 revolver at mga bala.
Magugunita na ang Coca-Cola executive na si Sy ay dinukot ng mahigit sa anim na armadong suspek sa Congressional Avenue, Quezon City noong nakalipas na Nobyembre 10 taong ito at kinabukasan ay narekober ang bangkay sa Parañaque City.
Tiwala naman ang NAKTAF na susunod na mabibitag ang iba pang mga kasamahan ng naturang kidnappers habang patuloy ang imbestigasyon laban dito.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa dalawang suspek. (Ulat ni Joy Cantos)