Kamara di iko-contempt ng SC

Hindi umano babanggain ng Supreme Court (SC) ang Kongreso sa pamamagitan ng pagpaparusa dito sa oras na suwagin ang kanilang desisyon na unconstitutional ang 2nd impeachment laban kay Chief Justice Hilario Davide.

Ito ang naging pahayag ni SC Associate Justice Reynato Puno kaugnay sa katanungan na kung maaaring patawan ng kasong Contempt of Court ang mga mambabatas na magsusulong pa rin ng articles of impeachment sa kabila ng naunang desisyon na ito ay labag sa Saligang Batas.

Ayon kay Puno, bagamat lumalabas sa kanilang desisyon na may hurisdiksiyon sila kaugnay sa impeachment, kailanman ay hindi sila kikilos para parusahan ang lehislatura dahil sa prinsipyo ng "separation of powers."

Binigyang diin pa ni Puno na kailangan mapanatili ang pagiging inter-dependence sa pagitan ng bawat sangay ng gobyerno kaya hindi sila maaaring manghimasok para magpataw ng parusa sa mga mambabatas na susuway sa kanilang desisyon.

Magugunita na bagamat nagdesisyon na ang Korte na labag sa Saligang Batas ang ikalawang impeachment, nanindigan sina opposition Congressmen Ronaldo Zamora, Carlos Padilla at Didagen Dilangalen na sisikapin pa rin nilang isulong ang transmittal ng impeachment dahil dumaan naman ito sa tamang proseso ng batas.

Iginiit naman ni Senate President Franklin Drilon na dapat irespeto ng mga kongresista ang naging desisyon ng SC. Sinabi ni Sen. Drilon, sakaling ipagpilitan ng ilang pro-impeachment congressmen ang pagpapadala ng articles of impeachment nang hindi sa opisyal na pamamaraan ay hindi ito tatanggapin ng Senado. (Ulat nina Grace dela Cruz/Rudy Andal)

Show comments