NPA, Jemaah Islamiyah nagsanib

Itinaas ni Pangulong Arroyo sa Order of Battle bilang numero unong kalaban ng gobyeno ang Jemaah Islamiyah (JI), kasunod ng intelligence report na nakipag-alyansa na umano ito sa New People’s Army (NPA).

Nabatid na isang Commander Teray ng NPA ang tumulong umano sa dalawang miyembro ng JI na nagtatago sa Mindanao para makapunta sa Westen Visayas region.

Sa kanyang talumpati sa Organization of Foreign Correspondents Association of the Philippines, sinabi ng Pangulo na kailangang bigyang prayoridad ang pagsasanib na ito dahil malalagay sa panganib hindi lang ang Pilipinas kundi maging ang buong rehiyon.

Kung dati’y ang pangunahing prayoridad ng pamahalaan ay ang bantang panganib ng MILF at Abu Sayyaf, ngayon ay ang pagpasok ng JI sa pamahalaan ang dapat na bigyang pansin matapos ang bantang pagsalakay ng JI bilang pagbawi sa pagkamatay ng teroristang si Fathur Rohman Al-Ghozi at pagkakaaresto sa Cotabato kay Taufek Refke, ang hinihinalang "bagman" ng JI.

Iisa umano ang itinuturing na kalaban ng dalawang grupo na walang iba kundi ang pamahalan at bukod dito’y magkasundo rin ang mga ito sa paghahasik ng terorismo bagaman ito’y sa magkakaibang paraan.

"They have the same enemy fighting for a common cause, so it’s possible they have inks," pahayag ng militar.

Minsan nang lumutang ang hinalang may sabwatan ang JI at ang MILF dahilan sa pagsasanay ng mga dayuhang terorista sa mga dating kampo ng separatistang mga rebelde pero ito ay noon pang 1999 hanggang unang bahagi ng 2001.

"We are going into a more focused campaign against the JI, complete with a new order of battle and targets for domestic and transnational inteligence in concert with our allies," anang Pangulo.

Magugunita na ang NPA ay nalagay sa talaan bilang ika-34 sa hanay ng Foreign Terrorist Organization ng Estados Unidos sa buong mundo.

Samantala ang Southeast Asian-based JI ay kaalyado naman ng Al-Qaeda terrorist ni Saudi billionaire Osama bin Laden, ang itinuturing na public enemy no.1 ng Amerika dahil sa pagma-mastermind umano sa World Trade Center bombing noong Setyembre 11, 2000.

Pero nanawagan ang Pangulo sa publiko na huwag mataranta sa mga babalang ito ng terorista para maiwasan ang espekulasyon sa halaga ng piso na nakakaapekto ng malaki sa ekonomiya ng bansa.

Anya, ang bantang ito ng JI ay kontrolado na at ang pagkataranta ng publiko ang siya lamang magiging daan para magpatuloy ang pagbagsak ng halaga ng piso laban sa dolyar.

Kailangang magkaroon ng tiwala ang publiko sa kakayahan ng gobyernong masugpo ang bantang panganib ng JI lalo na’t napatay na si Al-Ghozi at naaresto si Refke, dagdag ng Pangulo. (Ulat nina Lilia Tolentino at Joy Cantos)

Show comments