Bukod dito, sinabi ni Ebdane sa kanyang pagdalaw kahapon sa WPD-Headquarters na bibigyan niya ng Special Award ang may 3,500 na pulis-Maynila na pangunahing nagbigay ng seguridad sa pinakamakapangyarihang lider ng isang bansa sa buong mundo.
Binati nito ang mga pulis dahil sa walang kaguluhang naganap na lalong maaaring sumira sa imahe ng bansa at pagkakaroon ng mababang antas ng "street crime" ng naturang araw.
Dagdag pa rito na nakontrol umano nang lubusan ng mga pulis ang libu-libong militanteng grupo na nakuntento na lamang na magsagawa ng kanilang demonstrasyon sa Mendiola matapos na mabigo na makalapit kay Bush. Hindi naman nagkaroon ng karahasan sa pagitan ng dalawang magkabilang panig.
Kasama rin dito ang epektibong kordon na inilatag sa Roxas Blvd. at sa kapaligiran ng Rizal Park na unang dinalaw ni Bush.
Bibigyan din ni Ebdane ng katugunan ang matagal nang hinaing ng mga pulis sa mabagal na proseso ng kanilang promosyon dahil sa partisipasyon nila sa depensa sa naganap na Malacañang seige noong Mayo 1, 2000. (Ulat ni Danilo Garcia)