Bastusan na sa Kongreso

Nangangamba ang ilang mambabatas na hindi na igagalang ng mga kongresista ang liderato ni House Speaker Jose de Venecia at mismong ang institusyon ng Kongreso kung hindi paparusahan ang pitong solon na nag-walkout habang nagsasalita si US Pres. George Bush noong Sabado.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Prospero Pichay, kahit sinong congressman ay puwede nang mag-walkout at magladlad ng banner laban sa nagsasalitang lider ng Kongreso kung walang matatanggap na parusa ang pitong party-list solons.

Bagaman at nagpahayag na si de Venecia na hindi parurusahan ang pitong party-list solon, sinabi ni Pichay na lumalabas na tino-tolerate ng Kamara ang ginawa ng pito laban kay Bush. Masamang precedent aniya ang hindi pagpapataw ng parusa sa mga congressmen.

Magugunitang naglabas ng streamer na may nakasulat na "Mr. Bush, stop your war" si Sanlakas Rep. JV Bautista ng magsimula nang magsalita si Bush noong Sabado.

Kasama ni Bautista na lumabas ng session hall sina Bayan Muna Reps. Crispin Beltran, Satur Ocampo, Liza Maza; Akbayan Reps. Loreta Ann Rosales at Mario Aguja at Partido ng Manggagawa Rep. Renato Magtubo.

Sinabi naman nina Bayan Muna Reps. Ocampo at Maza na walang karapatan ang liderato ng Kongreso na patalsikin sila sa puwesto dahil may karapatan silang huwag pakinggan ang speech ni Bush kung ayaw nila. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments