Sa kanyang ulat kay Pangulong Arroyo, sinabi ni NFA Administrator Arthur Yap na dumarami na ang mga mamimili na tumatangkilik sa mga rolling store dahil sa mura at masustansiyang mga produktong ipinagbibili dito.
Kabilang sa mga rolling store na itinayo ng NFA ay ang Tindahan ni Gloria Labandera, Tinda Bangka, Tindahan sa Barangay, Coconut Farmers Food Access Program, Bigasan sa Palengke at iba pang awtorisadong tindahan ng tanggapan.
Bigas, asukal, mantika at mga produktong kailangan sa pang-araw-araw ang pangkaraniwang itinitinda sa mga rolling store.
Ayon pa kay Yap, sa limang tindahang itinayo ng NFA, ang Tindahan ni Gloria Labandera rolling store ang may pinakamalaking benta na umabot sa P27 milyon para sa nasabing buwan.
Tumaas din ang bilang ng mga naitayong tindahan sa barangay sa buong bansa sa 428 mula sa 387 dahil sa nabigyan na ng akreditasyon ang mga barangay sa Bulacan, Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte at Sibugay.
Tiniyak pa ni Yap na P16 bawat kilo lamang ang bigas na ipinagbibili sa ibat ibang tindahang itinayo ng kanilang tanggapan.
"Sakaling may mga makikita kayo na mga tindahan na nagbebenta ng bigas na lagpas sa P16 bawat kilo, ipagbigay-alam lamang sa aming tanggapan sa pamamagitan ng text message sa 0917-6210927," panawagan pa ni Yap. (Ulat ni Angie dela Cruz)