Sa report ng militar, may hawak umanong granada si Al-Ghozi na tinangka nitong ihagis sa umaaresto ritong tropa ng pamahalaan kaya napilitan silang barilin ito na taliwas naman sa iniulat ng Police Anti-Crime Response (PACER) na nakipagbarilan sa kanila ang Indon bomber gamit ang nakumpiskang .45 caliber pistol.
Ayon sa militar, may tatlong kasamahan si Al-Ghozi ng maharang ito ng pinagsanib na puwersa ng PACER at Armys 6th Infantry Division.
Nakatanggap ng intelligence report ang mga operatiba ng pamahalaan na si Al-Ghozi ay patungong Gen. Santos City na magdaraan sa Cotabato-Davao City highway kung saan ay lululan umano ito sa isang kulay asul na multicab na i-eskortan ng isang motorsiklo. Hinabol umano ng tropa ng pamahalaan ang grupo ni Al-Ghozi subalit hinarangan ang mga ito ng isang tricycle na nakasagabal sa kanilang pursuit operations sa loob ng ilang minuto.
Samantala, ang bangkay ni Al-Ghozi ay nakatakdang ibiyahe patungong Indonesia ngayong alas-8 ng umaga. (Ulat ni Joy Cantos)