Pero nilinaw ni Sen. Legarda na kahit nagbitiw siya bilang miyembro ng Lakas ay mananatili siyang kaalyado ng majority group sa Senado bilang isang independent tulad ni Senate President Franklin Drilon.
Ani Legarda, ang kanyang pagbibitiw ay hindi din nangangahulugan na tatalon na siya sa kampo ng oposisyon.
Ihahayag niya ang kanyang plano sa 2004 elections sa susunod na dalawang linggo.
Ang mga options niya ay magretiro sa pulitika, tumakbo muli bilang senador o bise presidente, o sungkutin ang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan, ang pagiging presidente. Patuloy anya siyang nakikipag-konsultasyon sa kanyang mga kaanak, mga lider at supporters.
Ayon kay Legarda, para siyang nabunutan ng tinik matapos na makawala sa "kahon" ng ruling Lakas party dahil ngayong independent siya at walang political affiliations at magagawa na niyang magsalita sa anumang isyu batay sa kanyang sariling paniniwala na mas mabuti para sa lahat at walang inaalala na magiging salungat sa stand ng partido.
Nakahanda namang tanggapin ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) si Legarda, ayon kay Senate Minority Leader Vicente Sotto.
Ipinapalagay naman ni Sen. Rodolfo Biazon na ang pagbibitiw ni Loren ay simula pa lamang ng tuluyang pagkawasak ng ruling party dahil sa pag-iral ng maraming faction dito. (Ulat ni Rudy Andal)