Dumating si Kris (Kristina Bernadette Aquino sa tunay na buhay) dakong alas-2:30 ng hapon sa Rizal Prosecutors Office kasama ang kanyang inang si dating Pangulong Cory Aquino, kapatid na si Rep. Benigno Aquino III at abugadong sina Atty. Raymund Fortun at Atty. Rene Saguisag.
Sa sinumpaang salaysay ni Kris sa harap ni Asst. Prosecutor Mariam Bien, apat na kasong kriminal ang isinampa laban kay Marquez - illegal possession of firearm and ammunition, grave threat, grave coercion at less serious physical injury.
Kasama sa ebidensiya ang medico-legal sa mga pasa sa kamay at braso ni Kris at ang pahayag ng PNP na hindi registered owner si Joey ng kalibre .45 baril.
Sa siyam na pahinang reklamo, nakadetalye ang ginawang pambubugbog at panunutok ng baril ng mayor sa aktres, isang linggo na ang nakalilipas sa Unit 22 Essensa East Forbes Condominium, Bonifacio Global City, Taguig.
Nakasaad sa salaysay na nag-away ang dalawa sa loob ng kanilang kuwarto. Papaalis na sana si Kris patungong taping ng Game K N B? ng makatanggap ng isang text message si Marquez mula sa isang Mariz. Gustong kunin ni Kris ang cellphone subalit agad na binura ni Marquez ang message at sabay hagis sa cellphone.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa pananakit ni Marquez kay Kris hanggang sa kunin ng alkalde ang kalibre .45 baril sa loob ng drawer sabay kasa at itinutok kay Kris.
Dahil doon agad nag-alsa balutan si Kris kasama ang anak na si Joshua at tumuloy sila sa bahay ng kanyang ina sa Times st., Bgy. West Triangle, Quezon City at isinumbong ang ginawa sa kanya ni Marquez.
Pagkatapos ay tumuloy sa Makati Medical Center si Kris kasama ang ilang kaibigan upang magpa-medical ng kanyang mga pasang natamo sa ginawang pambubugbog ni Marquez. (Ulat ni Edwin Balasa)