Sa ulat kahapon ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator ret. Major Gen. Melchor Rosales, naganap ang sakuna sa kahabaan ng Maharlika highway, Bgy. Nassiping, Gattaran dakong alas-4 ng hapon.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, pa-south bound ang humahagibis na Florida bus na may plakang BVA-796 nang mabangga ang Cabulisan Bus Line na may plakang BVK-972 na pa-north bound.
Nag-overtake umano ang Florida bus sa isang Pregio van kasunod ang isang MB 100 van na di naman napansin ang mabilis na paparating na Cabulisan bus at sa isang iglap ay nagsalpukan ang dalawang bus na nahagip ang naturang mga van kung saan tumilapon ang ibang mga pasahero.
Nahulog sa isang malaking hukay ang Florida bus habang nagpagulong-gulong naman bago tuluyang bumaligtad ang Pregio van.
Kabilang sa mga nasawi ang dalawang driver ng bus na si Henry Agassi, 31, driver ng Florida at residente ng Ballesteros, Cagayan at ang driver ng Cabulisan bus na kinikilala pa ng mga awtoridad.
Kinilala ni Rosales ang nasawing mga pasahero na sina Eric Orteza, Roel Tabancura, 19, college student; Luciano Famorca, Eric Ricafuente, Noli Acido, Bernardo Sadana Jr., 24, konduktor ng Cabulisan bus; Katrina Romeo, limang babae at dalawang lalaki na pawang bineberipika pa ang mga pangalan.
Nabatid na 12 sa mga biktima ng "head on collision" ay pawang dead-on-the-spot kabilang ang dalawang driver ng bus habang dalawa sa mga pasahero ang namatay habang ginagamot.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni P/Sr. Supt. Rodrigo de Gracia, director ng Cagayan Police Provincial Office ang pagkuha ng "blood sampling" sa dalawang driver ng pampasaherong bus upang malaman kung sino sa mga ito ang nasa impluwensiya ng alak na naging sanhi ng trahedya.
Nabatid na nakatanggap ng ulat ang pulisya na lasing umano ang driver ng Florida bus kaya mistulang lumilipad ang pagpapatakbo nito sa sasakyan ng maganap ang insidente.
Mananagot sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at multiple serious physical injuries ang mapapatunayang nagkasala. (Ulat nina Joy Cantos at Victor Martin)