'Pekeng ebidensiya,' paki-esplika Ping

Tiniyak ng Ethics commitee ng Senado na kakastiguhin nito si Sen. Panfilo Lacson kapag hindi pinatunayang totoo ang mga hawak niyang dokumento sa money laundering case na inaakusa niya kay First Gentleman Mike Arroyo.

Ayon kay Sen. Francis Pangilinan, chairman ng ethics committee, siguradong "igigisa" ng kanyang komite si Lacson kapag ‘di sinagot ang counter-charge ng First Gentleman na "fabricated" o gawa-gawa ang mga ebidensiyang iniharap ni Lacson.

"The Blue Ribbon committee will have to determine the counter-charges of the Arroyo camp that Sen. Lacson used fabricated and spurious documents. If Sen. Lacson fails to refute that, then it would become the basis for ethics investigation," sabi ni Pangilinan.

Sinabi pa ni Pangilinan na kailangang patunayan ni Lacson na lehitimo ang lahat ng dokumentong kanyang ginamit nang akusahang si First Gentleman Arroyo ang nagmamay-ari ng multi-milyong Jose Pidal account.

Ani Pangilinan, kapag nabigo si Lacson na mapatunayan na tunay at hindi peke ang mga ebidensiya niya ay maaaring imbestigahan ito ng komite sa kawalan nito ng respeto at pag-abuso sa kanyang pribilehiyong parliamentary immunity bilang senador.

Wika pa ni Pangilinan, sinisimulan na rin ng ethics committee ang preliminary evaluation sa inihaing reklamo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na "pineke" lamang ni Lacson ang iniharap nitong tseke sa Senado na umano’y ibinigay ng PCSO sa Jose Pidal account.

Una rito ay mariing itinanggi ng pitong bangko sa kanilang ipinalabas na pahayag na walang Jose Pidal account sa kanila taliwas sa naging pagbubunyag ni Lacson.

Ang mga bangkong binanggit nito ay ang Philam Savings Bank, Union Bank, Banco de Oro, Banco Pilipino, Allied Bank, Metropolitan Bank and Trust Co. at BPI Family Bank. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments