Sa pagharap sa lingguhang Kapihan sa Manila Hotel kahapon, sinabi ni Atty. Jess Santos na dahilan sa kawalan ng matibay na ebidensiya, sinayang lamang ni Lacson ang pera ng mga mamamayan at inaksaya ang mahalagang panahon ng Senado.
"Nararapat na humingi ng paumanhin si Senador Lacson sa kanyang mga kasamahan sa Senado, at higit sa lahat ay sa buong sambayanang Pilipino. Dapat bumalik na siya sa Pilipinas, saan man siya naroroon at harapin ang katotohanan. Panahon na para aminin niyang siya ay naging padalos-dalos sa pagtatalumpati sa Senado," ani Santos.
Idiniin ni Santos na kung si Lacson ay nasa ibang bansa upang mangalap ng ebidensiya, ito ay patunay na wala talagang hawak na mga totoong dokumento at ebidensiya ang senador bago pa man ito gumawa ng dalawang privilege speech na naninira laban kay First Gentleman.
Maging ang mga senador na kabilang sa oposisyon ay nagpahayag na ng pagka-inip at pagkasuya at tila ang nais ni Lacson ay ang mga kasangga nito sa Senado ang lumaban ng kanyang mga giyera. (Ulat ni Rudy Andal)