Nagkaisa ng pahayag kahapon sina Noel Dacasin, presidente ng Postal Employees Union of the Philippines; Edmundo Estavillo, presidente ng Kapisanan ng mga Kawani ng Koreo sa Pilipinas at Beth Guballa ng Postal Corporation Employes Association kaugnay ng kanilang suporta sa pamunuan ni Postmaster General Diomedio Villanueva.
Pinabulaaan ng tatlong pangulo ng nabanggit na mga unyon ang mga report na silay humihingi ng lifestyle sa Philpost officials. Itinanggi nila na never silang na-interview o nakapanayam ng sinumang reporter.
"Nagtataka kami kung saan nanggaling ang balita na umanoy nananawagan kami ng lifestyle check. Unang-una, simula nang manungkulan si Postgen Villanueva ay naipagkaloob sa mga empleyado ang mga benepisyong naaayon sa batas at napansin din ang magandang serbisyo sa mga post offices," ani Dacasin.
May hinala naman ang mga opisyales ng unyon na isang grupo ng mga sinibak at kinasuhang postal employees ang nagpapakalat ng kuryenteng balita.
Matatandaang tinanggal ni Villanueva sa puwesto ang mga salot sa post office kagaya ng magnanakaw ng sulat, nangulimbat ng pondo at iba pang sangkot sa graft and corruption.
Nakikita rin umano ng postal employees ang simpleng pamumuhay ni Villanueva at katunayan, ang kotseng ginagamit niya ay nabili limang taon na ang nakararaan. (Ulat ni Ellen Fernando)