Pinuna nina Sandoval at Zubiri na si Mahusay mismo ang nagsabi sa media na narinig niya ang mga nagbabantay sa kanya na papatayin na siya oras na matapos na ang kontrobersiya na kanyang nalikha.
"Hinahamon namin si Sen. Lacson na iharap sa madla ang mga nagbantay kay Mahusay para sa isang komprontasyon tungkol sa pahayag ng testigo na papatayin na siya.
"Kung ikakaila ito ni Sen. Lacson, walang magiging problema para maiharap niya sa madla ang mga bantay ni Mahusay at pabulaanan din ang planong pagpatay," ani Sandoval at Zubiri.
Pinuna nina Sandoval at Zubiri na makikilala naman ni Mahusay ang mga ihaharap ni Lacson kung ang mga ito nga ang nagbantay sa kanya.
Idinagdag pa ng dalawang kongresista na sa kabila ng bigat ng pahayag ni Mahusay, hindi pa inihaharap hanggang ngayon ni Lacson ang mga nagbantay sa testigo upang pasinungalingan ang planong pagpatay.
Ni hindi man lang pinapangalanan pa ni Lacson ang mga ito, ayon kay Zubiri at Sandoval.
Bukod dito, sinabi rin nina Sandoval at Zubiri na mapapatunayan din sa komprontasyon kung kusa ngang sumama sa kanyang mga kapatid si Mahusay o dinukot siya sa pangangalaga ni Lacson tulad ng ipinagpipilitan ng senador.
Pinuna nina Sandoval at Zubiri na si Mahusay na mismo ang nagpahayag na kusa siyang sumama sa kanyang mga kapatid matapos siyang magpasundo sa hotel sa Tagaytay City kung saan siya nakita.
Ayon pa kay Sandoval at Zubiri, nagpakita pa ng mga text messages ang pulis na kapatid ni Mahusay na si Jojo na nagsasaad na sunduin na siya sa hotel.
Hindi ikinaila ni Mahusay ang mga text messages, ani Zubiri.
"Kayat kung pinipilit ni Sen. Lacson na dinukot si Mahusay ng mga kapatid nito, iharap na niya ang mga guwardiya ng testigo para magkaalaman na kung sino ang sinungaling," dagdag pa nina Sandoval at Zubiri. (Ulat ni Malou Rongalerios)