Cardinal Sin pinadideport,hindi lehitimong Pinoy

Nagharap kahapon ng petition for deportation sa Manila Regional Trial Court (MRTC) ang apo ni Chino Roces laban kay Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin dahil hindi umano isang lehitimong Pilipino ang cardinal.

Base sa 2-pahinang petition ni Dr. Ramon Roces Arevalo, isang dating mamamahayag at may akda ng librong "The Cardinal Sins of the Church: The Ecclesiasticism of the Cash", lumalabas na pinagtataksilan umano ni Sin ang mga Pilipino dahil nanumpa siya sa gobyerno ng Vatican at representative lamang ito ng Roma sa Pilipinas kaya hindi ito nararapat na makialam sa pulitika ng bansa.

Lubha rin umanong nakaapekto sa ating kultura, ekonomiya at araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino ang pakikialam umano ni Sin na hindi naman lehitimong Pilipino.

Nakasaad din sa kanyang librong isinulat ang umano’y maanomalyang pamamalakad ng simbahang Katoliko sa bansa kaya nararapat lamang umanong ideport na ito pabalik sa Vatican.

Magugunita na nagharap ng unang petisyon sa Bureau of Immigration and Deportation (BID) si Arevalo noong Dis. 22, 2000 subalit wala umanong nangyari kaya nagsampa ito ng bukod na kaso sa RTC.

Mayroon din itong nakabinbing kahalintulad na kaso sa Supreme Court, Court of Appeals at iba pang tribunal agency subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring desisyon. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments