Sa halip na counter-affidavit ang dalhin ni Atty. Daniel Gutierrez ay humingi na lamang ito ng motion for extension to file counter-affidavit sa panel of prosecutors kung saan binigyan ng pitong araw ng prosecution si Honasan upang magsumite ng kanilang counter-affidavits.
Muling magsasagawa ng pagdinig ang prosecution sa Agosto 27 sa alas-2 ng hapon.
Nabatid kay Gutierrez na hindi pa lalabas ang kanyang kliyente dahil sa wala pa umanong garantiya ang gobyerno na mabibigyan ito ng due process of law.
Iginiit pa nito na masyado umanong magulo pa ang sitwasyon dahil sa ginagawang manhunt operations at paniniktik umano ng Malacañang para lamang maaresto ito.
Bukod pa dito, tila may prejudgement na rin ang pamunuan ng DOJ sa kaso laban kay Honasan dahil sa ibat ibang mga pahayag ni Justice Undersecretary Jose Calida na pinalilitaw na guilty na ang senador sa kasong kudeta.
Binatikos din nito ang kulang-kulang na mga ebidensiya at mga affidavits ng mga testigo na iniharap ng DILG laban sa senador.
Hinihingi rin nito na magamit na ebidensiya ang mga naunang statement ng mga Magdalo soldiers kung saan ay itinatanggi ng mga ito ang kinalaman ni Honasan sa naganap na Makati siege.
Hiniling ni Gutierrez sa prosecution na ipatawag din sa mga gagawing pagdinig ang limang Cabinet members na sina Deputy Secretary Renato Velasco, Sec. Mike Defensor, dating Defense Sec. Roy Cimatu, Silvestre Afable at Rigoberto Tiglao upang pagpaliwanagin ang mga ito kung paano nalaman kung sinong tumawag kay Honasan upang magpunta ito sa Oakwood hotel. (Ulat nina Grace dela Cruz/Ludy Bermudo)