Inosente ako

Sa kauna-unahang pagkakataon ay lumantad na rin sa publiko ang kontrobersiyal na mistress ni dating Pangulong Joseph Estrada na si Laarni Enriquez kasama ang kanyang panganay na anak na babae.

Naging emosyonal ang unang pagharap sa publiko ni Enriquez na kinasuhan ng rebelyon sa DOJ ng PNP.

Ipinagmatigasan ni Enriquez na inosente siya sa mga ibinibintang sa kanya at ni hindi anya niya kilala ang sinuman sa mga nagrebeldeng sundalo na nag-aklas at nagtangkang pabagsakin ang pamahalaan.

Inamin ni Enriquez na sa kanya ang ni-raid na townhouse sa J. Vargas st., Bgy. Bagong Silangan, Mandaluyong City subalit inilipat na umano niya ito kay Liezel Magpoc, ang sinasabing nakabili ng bahay, dahil nahihirapan aniya siyang ibenta ang nasabing ari-arian dahilan sa stigma ng impeachment case laban sa pinatalsik na pangulo.

Ayon kay Enriquez, "kinumbinsi" lamang umano ng pamahalaan si Magpoc na aminin na siya pa rin ang nagmamay-ari ng bahay upang magbigay ito ng mga pahayag na makapagdidiin sa kanya.

"Why me? I really don’t want to face the cameras and scandalize president Estrada but they forced me," saad ni Enriquez.

Ipinahayag din ni Enriquez na nangangamba siya sa posibilidad na makulong siya dahil sa non-bailable ang nasabing kaso.

Hindi naman iiwan ni Jerika Larize Ejercito, 18, panganay na anak ni Enriquez, ang kanyang ina kahit na arestuhin pa ito at dalhin sa kulungan.

Aniya, ang kanyang ina ay isa lamang simpleng maybahay, isang simpleng ina na ang ginagawa lamang sa araw-araw ay ang pagluluto, paglilinis ng bahay at pag-aalaga ng kanyang mga anak.

Naniniwala aniya siya na walang kakayahan ang kanyang ina para gawin ang ibinibintang sa kanya.

Ayon naman sa abugado ni Enriquez na si Rufus Rodriguez na walang matibay na ebidensiya na direktang mag-uugnay sa kanyang kliyente sa Magdalo group.

Hindi rin umano magagamit ang mga sinasabing ebidensiya na nakuha sa bahay ni Enriquez sa korte dahil illegal itong kinuha.

Samantala, nasa ilalim na ng watchlist ng Bureau of Immigration sina Enriquez at Magpoc batay na rin sa kahilingan ng DILG at PNP ng Mandaluyong City upang hindi makalabas ng bansa ang dalawa. (Ulat nina Anna Sanchez/Edwin Balasa/Grace dela Cruz)

Show comments